Mag-utol na Arroyo, pinakakasuhan dahil sa biniling mansion sa US
MANILA, Philippines - Dapat umanong kasuhan ng Ombudsman ang sinuman sa dalawang anak na lalaki ni Pangulong Arroyo na nagsinungaling sa idineklarang statement of assets liabilities and net worth (SALN) matapos mabuking ang pagbili ng multi-milyong mansion sa Amerika.
Sinabi ni Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson, chairman ng senate committee on ways and means, na hindi kailangan pang magsagawa ng imbestigasyon ang Senado sa mansion na binili nina Pampanga Cong. Mikey at Camarines Cong. Dato Arroyo dahil maari namang umaksyon dito si Ombudsman Merceditas Guttierez.
Ipinunto pa ni Lacson na kung hindi idineklara ng isa sa 2 anak ni Mrs. Arroyo ang $1.32 milyong mansion sa Amerika sa isinumiteng (SAL), ito’y maaring kasuhan ng perjury ng Ombudsman.
Nauna nang ipinunto ni Lacson na hindi lamang sina Mikey at Dato ang kailangang imbistigahan ng Ombudsman kundi ang kanilang mga magulang.
Halos sunod-sunod umano ang pagkakabunyag nang paglaki ng yaman ng mga miyembro ng pamilya Arroyo sa gitna nang paghihirap ng bansa. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending