Among Ed, Padaca umatras na rin
MANILA, Philippines - Tuluyan na ring umatras sa kanyang kandidatura para maging pangulo si Pampanga Governor Ed Panlilio at Isabela Governor Grace Padaca para suportahan si Senador Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ayon kina Panlilio at Padaca, mas minabuti nilang umatras sa kanilang kandidatura para mabigyang daan ang tawag ng pagmamahal sa bayan. Ito rin anya ay resulta ng kanyang pananalangin at pagkonsulta sa mga supporters niya.
“”Pagkatapos ng aming pagdarasal, pakikilahok sa mga kaganapan sa ating lipunan, pag-iisip at pagkonsulta sa aming mga taga-suporta, nagpasya kaming lahat na tugunan ang tawag ng pagmamahal sa bayan, sakripisyo at pagkakaisa na pinangunahan na ni Senator Mar Roxas noong Martes. Ibinibigay namin ang aming buong suporta at pagtitiwala kay Senador Benigno “Noynoy” Aquino III bilang kandidato sa pagkapangulo ng ating bansa,” ayon sa joint statement ng dalawang gobernador.
Sa ginanap na pulong-balitaan sa Club Filipino, nagsuot ng dilaw at hinikayat din nina Panlilio at Padaca ang iba pang presidential aspirant na bawiin ang kandidatura ng mga ito para suportahan si Noynoy at makianib sa reform movement dahil malaki ang paniniwala ng mga ito sa kakayanan ni Noynoy na maging pangulo ng bansa.
Una ng umatras si Sen. Roxas sa planong pagtakbo sa 2010 presidential election para suportahan si Noynoy na ngayon ay nasa ikalawang araw ng spiritual retreat sa Mindanao.
Sa ngayon pinag-iisipan pa ni Panlilio kung tatakbong muli bilang Gobernador ng Pampanga pagkatapos ng kaniyang termino, o sa ibang posisyon sa Gobyerno o di kaya ay babalik sa pagiging Pari.
Ikinatuwa naman ng Catholic Bishops Conference of the Philippine (CBCP) at ng apat na obispo ang nasabing pag-atras ni Panlilio.
Iisa ang pahayag nina CBCP President at Jaro Archbishop Angel Lagdameo, Pampanga Auxiliary Bishop Ambo David, Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez at Caloocan Bishop Deo gracias Iniguez sa naging desisyon ni Panlilio dahil mas maseserbisyuhan pa nito ang kanyang nasasakupang lalawigan.
Anila, dapat ay bumalik na lang si Panlilio sa pagiging pari dahil tunay na narito ang kanyang puso.
- Latest
- Trending