Pagbabago, lalo pang itataguyod ng BI sa ika-69 taon nito

MANILA, Philippines - Sisimulan ng Bureau of Immigration (BI) ang pagdiriwang ng ika-69 anibersaryo nito ngayon sa pamamagitan ng serye ng aktibi­dad na tatampukan ng pagbisita ni Pangulong Arroyo, na siyang mag­ bu­bukas ng marker at mag-iins­peksiyon sa bagong-ayos na gusali ng ahensiya sa Intramuros, Manila.

Ayon kay Deputy Commissioner Atty. Roy Almoro, ang pagdiriwang ay sisimulan ng isang programa kung saan bibigyan ni Justice Secretary Agnes Devanadera ng parangal at pagkilala ang mga outstanding employees ng ahensiya.

“This year’s anniversary celebration will center on the reforms that were introduced and initiated by BI Commissioner Marcelino Libanan who assumed office two years ago,” wika ni Almoro.

Sa Lunes, pangungunahan ni Libanan ang taunang conference ng lahat ng alien control officers (ACOs) ng ahensiya at mga bagong talagang immigration area directors (IADs) sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa.

Sa nasabing pulong, inaasahan na isusumite ng ACOs at IADs ang kanilang accomplishment reports at kanilang rekomendasyon at opinyon ukol sa regionalization scheme na ipinatupad kamakailan ni Libanan.

Ang regionalization program ay isa sa tinatawag na centerpiece program ni Libanan na layong ilapit ang mga serbisyong ibinibigay ng ahensiya sa mga dayuhan sa nakatira sa lalawigan sa pamamagitan ng pagtatatag ng regional immigration centers na pinamumunuan ng IADs.

Isa pang flagship project na umani ng papuri ay ang visa-issuance-made-simple (VIMS) program na ipinatutupad na sa main office at iba pang major urban centers sa bansa. (Butch Quejada)

Show comments