MANILA, Philippines - Tuloy na ang pagsusulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na magpatayo ng mga ospital na eksklusibo para sa mga OFWs at sa kanilang mga pamilya.
Ayon kay OWWA Administrator Carmelita Dimzon, inaasahang bago magtapos ang taong 2009 ay uumpisahan na ang konstruksyon at pagtatayo ng ospital o hospital wing para sa manggagawang Pinoy at sa kanilang dependents.
Sinabi ni Dimzon na ang planong pagpapa tayo ng ospital o kaya ay hospital wing ay ibabase sa puwedeng lugar na maaaring paglagyan mula sa 17 rehiyon sa buong Pilipinas.
Inamin nito na mahirap ang maghanap ng available na lugar sa Metro Manila subalit mag-uumpisa silang magtayo ng hospital wing para sa mga OFWs sa PGH sa Taft Ave., Manila bago matapos ang taon.
Nakipagpulong na si Dimzon sa PGH para sa pagtatayo ng OFW hospital wing.
Matapos ang NCR, isusunod naman ang pagtatayo ng isang OFW Hospital sa Cordillera Administrative Region.
Ang mga OFWs na karamihang biktima ng pang-aabuso at pagmamaltrato ng kanilang employer ay umuuwing sugatan o may kapansanan at kung saan-saan lamang dinadalang ospital, na nagiging dahilan upang mabatikos din ang gobyerno dahil sa umano’y kapabayaan sa mga tinaguriang mga bayani na nag-aambag ng milyun-milyong pondo sa kaban ng bayan. (Ellen Fernando)