Period of Nat'l Prayer para kay Ka Erdie idineklara
MANILA, Philippines - Pinirmahan na ni Pangulong Gloria Arroyo ang isang proclamation order na nagdedeklara ng pagbibigay ng panalangin para sa yumaong Executive Minister ng Iglesia Ni Cristo na si Erano “Ka Erdie” Manalo.
Nagdedeklara ng “Period of National Prayer for the Remembrance of the Late Erano “Ka Erdie” Manalo ang ipinalabas na Presidential Proclamation 1847. Dito’y, ipinaabot din ni Pangulong Arroyo ang taos-pusong pasasalamat at pakikiramay kay Ka Erdie at sa buong kasapi ng INC dahil na rin sa suportang ibinigay nito sa kanya noong 2004 presidential election.
Dumating kamakalawa ng gabi ang Pangulo kasama ang limang miyembro ng Gabinete mula sa tatlong araw na working visit sa Libya at pagdalo sa African Union Special Summit sa Tripoli.
Kasama din ni Pangulong Arroyo sa kanyang pagbisita sa burol ni Ka Erdie sa Central Temple ng INC ang anak na si Rep. Mikey Arroyo dakong alas 10:00 ng gabi.
Si Ka Erdie ay pumanaw sa edad na 84-anyos noong Lunes dahil sa cardio-pulmonary arrest. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending