Mancao, Dumlao isusunod!
MANILA, Philippines - Mas dinoble pa ang seguridad para kina dating Police Superintendent Cesar Mancao at Glen Dumlao matapos ang umano’y pamamaslang kay Jimmy Lopez na isa ring testigo sa Dacer-Corbito double murder case.
Ayon kay Atty. Ric Diaz ng National Bureau of Investigation (NBI), ang pagkakapaslang kay Lopez ay indikasyon lamang na posibleng may magtangka ring pumatay kina Mancao at Dumlao upang patahimikin.
Dahil dito sinabi ni Diaz na mula sa NBI hanggang korte ay sinisiguro nila ang seguridad ng dalawa upang walang mangyaring masama at mailabas ang katotohanan.
Sa katunayan umano ay nadagdagan pa ng 30 porsiyento ang mga nagbabantay sa dalawang police officials kung saan maging ang sasakyan ay bullet proof.
Bago magtungo sa korte ay pinamomonitor muna niya ang lugar kung saan kailangan na secured ito bago dalhin sina Mancao at Dumlao.
Una nang iginiit ni Mancao na maaaring may kaugnayan sa mga nakatakdang pagdinig sa Dacer-Corbito ang pagpatay kay Lopez ngunit buo pa rin ang loob nito na ituloy ang laban.
Hinihintay na lang ni Mancao ang desisyon ni Manila Regional Trial Court Br.18 Judge Myra Garcia-Fernandez na tuluyan siyang alisin bilang akusado para makapasok sa Witness Protection Program ng Department of Justice
Dumating naman kahapon sa pagdinig sa DOJ ang mga testigong sina dating Supt. Glenn Dumlao, William Lopez, Alex Diloy at Willy Cabiguin at muling pinanumpaan ang kanilang mga isinumiteng affidavits sa prosecution.
Tiniyak ni Justice Secretary Agnes Devanadera na nasa ilalim ng WPP ang apat na nabanggit na testigo maliban sa napaslang na si Lopez dahil umalis ito sa naturang programa ilang taon na ang nakararaan.
Aniya, bagama’t nalulungkot ang kagawaran sa sinapit ni Lopez ay magkakasing bigat pa rin ang testimonya ng dalawang natitirang testigo. (Doris Franche/Gemma Garcia/Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending