Noynoy, 5 araw magre-retreat

MANILA, Philippines - Tama lamang ang desisyon ni Senador Be­nigno ”Noynoy” Aquino na sumailalim sa limang araw na retreat at konsultahin ang ilang spiritual advisers ng kanyang inang si dating Pangulong Cory bago nito ihayag ang kanyang desisyon kung sasabak ito sa eleksiyon sa pagkapangulo sa 2010.

Ayon kay Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president at Jaro Archbishop Angel Lagdameo, mahalagang sundin ng lahat ng kandidato ang kalooban ng Panginoon upang hindi sila madala sa agos ng makasariling desisyon. Aniya, ang ginawa ni Aquino ay pagpapakita na nais nitong mangibabaw ang Diyos sa pagpapasya na kanyang gagawin.

Binigyan diin naman ni Lingayen-Dagupan Arch­bishop Oscar Cruz na responsable at totoo ang kan­didato na humihingi ng ‘discernment’ sa mga mabibigat na desisyon at hamon ng buhay.

Subalit ayon kay Cruz, depende sa tao ang resulta ng pakikipag-ugnayan niya sa Diyos kung ang Panginoon mismo ang tumugon sa kanyang mga katanungan. Aniya, may mga humihingi ng ‘discernment’ na hindi taos sa kanyang puso. (Doris Franche)

Show comments