MANILA, Philippines - Walang inihayag na desisyon kahapon si Senador Benigno “Noynoy” Aquino III kung kakandidato siya o hindi sa halalang pampanguluhan sa 2010 pero sinabi niya na hindi niya tatanggihan ang hamon ng panahon.
Ginawa ni Noynoy ang pahayag bilang sagot sa alok sa kanya ni Liberal Party President Mar Roxas na maging standard bearer ng LP sa halalan.
Sinabi ni Noynoy na nababahala pa rin ang kanyang pamilya sa idea ng pagtakbo niya sa halalang pampanguluhan.
Gayunman, sinabi ni Noynoy na si Roxas ang kukunin niyang bise presidente kung sakaling magpasya na siyang sumabak sa halalang pampanguluhan.
Samantala, nakiusap kahapon ang aktres at television host na si Kris Aquino sa mga tagasuporta ng kapatid niyang si Noynoy na huwag pilitin o i-pressure ito sa pagdedesisyon kung dapat itong kumandidatong presidente o hindi sa halalan sa susunod na taon.
Sinabi ni Kris sa isang pahayag na lumabas sa website ng ABS-CBN na dapat bigyan ng sapat na panahon si Noynoy na makapag-isip bago magdesisyon.
Dumarami ang nananawagan kay Noynoy na kumandidatong presidente mula nang mamatay ang ina niyang si dating Pangulong Corazon Aquino noong nakaraang buwan.
Lalong natututukan ngayon si Noynoy makaraang umatras sa presidential election ang kasamahan niya sa Liberal Party na si Senador Mar Roxas para bigyan siya ng daan.
“Huwag ninyo siyang i-pressure. Napepresyur din siya ng kanyang mga kapatid,” sabi pa ni Kris.
Idiniin ni Kris na sila ni Noynoy at ibang miyembro ng kanilang pamilya ay patuloy pang nagluluksa sa pagpanaw ng kanilang ina.
Ayon pa kay Kris, magre-retreat si Noynoy sa isang Carmelite convent sa Zamboanga mula ngayong araw na ito.