MANILA, Philippines - Ipinahiwatig kahapon ni Makati City Mayor Jejomar Binay na handa siyang kumandidato na lang na bise presidente kung siya ang pipisilin ni dating Pa ngulong Joseph “Erap” Estrada bilang running mate nito sa halalang pampanguluhan sa 2010.
Pero sinabi ni Binay na, kung hindi siya ang mapipiling running mate ni Estrada, hindi rin siya kakandidatong senador at babalik na lang siya sa pribadong buhay.
“Inihayag na ni President Estrada na tatakbo siyang muli sa pagka-pangulo sa halalan sa 2010. Kaya hahangarin ko na lang na maging bise presidente niya,” sabi ni Binay nang makapanayam sa paglulunsad ng aklat na Building of Dreams ni Gawad ng Kalinga Founding Chairman Antonio Meloto.”
Idiniin ni Binay na ganap niyang sinusuportahan ang pagsisikap ni Estrada na mapagkaisa ang oposisyon para isang kandidato na lang ang isabak nila sa halalang pampanguluhan. Ipinaliwanag pa ni Binay na nais lang niya ng posisyong ehekutibo. Wala rin siyang balak na pumasok sa Kongreso kaya babalik na lang siya sa pribadong buhay kung hindi siya mapipili bilang kandidatong bise presidente ni Estrada.
Posible rin na si Binay ang maging running mate ni Estrada dahil sila lang ni Sen. Loren Legarda ang napipisil sa oposisyon para sa naturang posisyon. (Jose Rodel Clapano)