Gordon, Joey DV Nagsigawan sa hearing

MANILA, Philippines - Nagsigawan sina Se­na­tor Richard Gordon at ZTE-NBN whistle blower Jose “Joey” de Venecia III sa ginanap na pagdinig sa Senado ng sabihin ng una na sasampahan ng kaso ang huli kasama ang amang si dating Speaker Jose de Venecia, Jr. at si Rodolfo “Jun” Lozada Jr.

Ayon kay Joey de Ve­ne­cia, hindi makataru­ngan at pantay para sa kanila ang nais ni Gordon na sila ay sampahan ng kaso dahil tila sinisipa sila ng gobyerno dahil sa pagiging whistle blo­ wer sa naudlot na kon­tra­ta ng NBN-ZTE deal. Kinuwestiyon din ni Joey DV ang Senado sa pagi­ging inutil nito na mapaha­rap si First Gentleman MIke Arroyo sa pag­dinig sa Se­nado at laging tinatanggap ang katwirang may sakit ngu­nit nagaga­wang maka­la­bas ng ban­sa.

“Right now kami ni Jun Lo­zada ang sinisipa ng gobyerno, kami pa ang gustong kasuhan... Two years na rin akong walang nakikitang Mike Arroyo dito,” sabi ni Joey.

Hindi rin nagustuhan ni de Venecia ang pasaring ni Gordon na siya ay hindi mabuting anak dahil mas pinili pang mapahamak ang ama ng idamay ito ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos sa natu­rang kontrata.

Kasabay nito, kinuwes­tiyon ni Lozada ang uma­no’y hindi patas na desis­yon ng Office of the Ombudsman na sina Abalos at SSS President Romulo Neri lang ang nakasuhan dahil marami na aniya siyang isinakripisyo para mailabas ang katotoha­nan. Nawalan na rin aniya siya ng tiwala sa Ombudsman, lalo pa at wala itong rekomendasyon na kasu­han ang mga matataas na opisyal na sangkot dito. (Malou Escudero)

Show comments