Noynoy sa 2010
MANILA, Philippines - Umatras na si Senador at Liberal Party President Mar Roxas sa halalang pampanguluhan sa 2010 para bigyang-daan ang kasamahan niya sa LP na si Sen. Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Inihayag ni Roxas ang kanyang desisyon sa isang pulong-balitaan ng LP sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan kagabi.
Sinabi ni Roxas na kailangang may magsakripisyo at kanya na lang susuportahan si Noynoy kapag nagpasya na itong kumandidatong presidente.
Hindi nilinaw ni Roxas kung magiging running mate siya ni Noynoy na dumalo rin sa pulong-balitaan ng LP.
Dumarami at lumalakas ang mga panawagan na kumandidatong presidente si Noynoy mula nang mamatay ang kanyang ina na si dating Pangulong Corazon Aquino noong nakaraang buwan.
May ulat na ihahayag ni Noynoy ang kanyang desisyon pagkatapos ng ika-40 araw ng pagkamatay ng kanyang ina.
Sinabi ni Roxas na nais niyang pagkaisahin ang LP sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa anak ni dating Pangulong Aquino sa halalan sa susunod na taon.
Idiniin ni Roxas na siya ang pangulo ng LP kaya may kapangyarihan siyang lutasin ang anumang usaping maghahati dito o gawin ang partido bilang tulay sa puwersa ng pagbabago.
“Itutuloy natin ang pagbabago sa ating bansa. Itutuloy natin ang laban sa reporma. Bayan bago ang sarili. Hindi ko kayo pababayaan. Lalaban tayo,” bahagi ng pahayag ni Roxas.
Ang LP ay siya ring partido ng napatay na ama ni Noynoy na si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
- Latest
- Trending