BF pabor sa Lakas selection process
MANILA, Philippines - Sinuportahan ni Metro Manila Development Authority Chairman Bayani Fernando ang proseso ng partidong Lakas-CMD sa pagpili ng ikakandidato nitong presidente sa halalan sa susunod na taon.
Sinabi ni Fernando na pabor siya sa selection process at requisite consultation ng mga lider ng Lakas. “Pinapatnubayan ng mga panuntunan at batas ang selection process ng Lakas. Dapat nating sundin ito. Kung hindi, masasakripisyo ang mga prinsipyo at pagkakapantay-pantay para sa pulitika ng personalidad at akomodasyon,” sabi ni Fernando na kabilang sa mga inaasahang kakandidato sa halalang pampanguluhan.
Sinabi pa ni Fernando na mahigpit na sinusuportahan ng chairman emeritus ng Lakas na si dating Pangulong Fidel V. Ramos ang consultative at selection process ng partido.
Ang pagpapairal ng political will ang isa sa maipagmamalaki ni Fernando para sa pagsusulong ng pagbabago at progreso ng bansa. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending