GMA, FG madidiin sa ZTE
MANILA, Philippines - Patuloy pa ring madidiin sina Pangulong Gloria Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo sa naudlot na maanomalyang $329 mil yong national broadband network project ng pamahalaan at ng ZTE Corp. ng China kahit inabsuwelto sila rito ng Ombudsman.
Sinabi kahapon ng abogadong si Atty. Ernesto Francisco na maghahain siya ng motion for reconsideration sa Ombudsman para pabaligtarin ang desisyon nito na nagpapawalang-sala sa mag-asawang Arroyo.
Sa naturang desisyon, inirekomenda ng Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kina dating National Economic Development Authority Secretary-General Romulo Neri at dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos na sumabit din sa NBN deal.
Nauna rito, sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na maaaring may pananagutan si Pangulong Arroyo sa naging papel nito sa NBN dahil sa command responsibility.
Gayunman, sinabi ni Gordon na dapat ding papanagutin sa kaso sina dating Speaker Jose de Venecia Jr. at anak nitong negosyanteng si Joey III.
Pinuna ni Gordon na hindi dapat naging testigo o whistleblower si Joey dahil humingi ito ng pabor at nag-lobby para sa proyekto.
Mariin namang kinondena ni Joey ang naging pahayag ni Gordon na sila pa ng kanyang ama ang sisihin na may kasalalan sa NBN-ZTE deal. Aniya, may pagkiling na umano ang nasabing pahayag at naniniwala siya na walang dapat asahan sa imbestigasyon ng Senado.
Malaki din ang paniniwala ni Joey na hindi dapat inabswelto si FG Arroyo dahil ito umano ang mastermind ng NBN-ZTE deal.
Sa kabilang dako, sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel na, ayon din kay Gordon, isasama rin sa imbestigasyon ng komite nito ang Unang Ginoo at si de Venecia Jr..
Ipinaliwanag ni Pimentel na hindi maaaring idemanda ang Pangulo habang nakaupo ito sa puwesto.
- Latest
- Trending