100 OFWs sumugod sa Saudi Embassy
MANILA, Philippines - May 100 pang manggagawang Pinoy na stranded sa Saudi Arabia ang dumagsa sa Embahada ng Pilipinas upang hilingin na pansamantalang doon manuluyan.
Sa report na nakarating sa Department of Foreign Affairs, ang mga stranded OFWs sa Jeddah ay may ilang buwan nang nakatira sa ilalim ng mga tulay at overpass.
Karamihan sa kanila ay biktima ng pagmamaltrato makaraang tumakas sa kani-kanilang amo at undocumented o illegal workers. Sila ay kasalukuyang nag-aapply ng voluntary deportation upang makauwi sa Pilipinas.
Napilitang tumungo ang mga Pinoy workers sa Embahada para magbakasakaling kukunin sila ng gobyerno ng Saudi para i-deport.
Nito lang nakalipas na linggo, may 150 OFWs ang sumugod din sa Philippine Consulate sa Jeddah at sinira ang main gate ng Konsulado.
Ang mga stranded OFWs na tumakas sa kani-kanilang amo ay walang mga exit visas mula sa kanilang employer kung saan isa sa mga kailangan bago isagawa ang deportasyon.
Sila ay biktima din ng sindikato na nangako sa kanila na madaling maka kaalis sa pamamagitan ng Jeddah “backdoor” kung saan nadiskubre ng mga manggagawa na walang “quick backdoor” doon.
Isinakay sa dalawang bus ang mga lumusob na OFWs at dinala sa deportation area. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending