MANILA, Philippines - Posible umanong tumaas ang bilang ng mga kidnap-for-ransom sa bansa habang papalapit ang halalan sa susunod na taon.
Ito ang naging babala kahapon ni Teresita Ang-See, founding chairwoman ng Movement for the Restoration of Peace and Order (MRPO), at masusing nagmu-monitor ng kidnapping incidents sa bansa.
Ayon kay Ang-See, bagamat naniniwala sila na hindi na gagamitin ng mga pulitiko ang pangingidnap upang makapag-ipon ng pondo para sa kanilang pangangampanya, inaasahan pa rin umano nila ang posibleng pagtaas ng mga kidnapping incident bago sumapit ang 2010 polls.
Ipinuntos pa ni Ang See na ang kapulisan ay masyadong abala sa trabaho dahil kailangan nilang habulin ang mga loose firearms at bigyan ng seguridad ang mga political rallies.
Kahit ganito, sinabi ni Ang See na kampante o may tiwala sa pulisya ang Chinese Filipinos at sa anti-crime groups.
“Maganda naman ang operation namin with Pacer (Police Anti-Crime Emergency Response). Maganda usually ang kanilang performance dahil din diyan kaya malaki ang improvement sa anti-KFR campaign, trust and confidence na binigay ng victims sa Pacer,” ayon pa kay Ang-See.
Iniulat din ni Ang-See na kahit pa tumaas ang kidnapping incidents mula Enero hanggang Marso, 2009, bumaba naman ito mula Abril hanggang Hunyo matapos na maparalisa ang tatlong notoryosong KFR gang sa bansa.
Samantala, sinabi ni PNP chief Gen. Jesus Verzosa na pinaigting na niya ang kanyang intelligence networking laban sa mga well-known kidnapper na nagtatago sa kasalukuyan.
Tiwala si Verzosa na malabong lumobo pa ang kidnapping sa bansa dahil na rin sa pakikipagtulungan ng publiko sa pagbibigay impormasyon laban sa mga kaaway ng batas.