MANILA, Philippines - Tinuligsa ng militanteng grupong Migrante International ang paglulustay umano sa pondo na inipon ng mga OFWs ni Technical Education Skills Development Authority (TESDA) Director Augusto Syjuco sa pagpapagawa ng P40 milyong halaga ng t-shirts at commemorative plates para sa maaga nitong pangangampanya.
Sinabi ni Migrante chairperson Gary Martinez na mistulang wala na umanong hangganan ang ginagawang pagwawaldas ng administrasyon sa pondo ng pamahalaan sa harap ng krisis na nararanasan ng mahihirap na Filipino kung saan marami sa mga ito ang napipilitang magtrabaho sa ibang bansa upang maitawid sa gutom ang kanilang pamilya.
Tinawag nitong isang nakakahiyang “premature campaigning” ang nakatak dang pagpapagawa ni Syjuco ng mga t-shirts at commemorative car plates na nakalagay ang larawan niya at ni Pangulong Arroyo na aabot sa P40 milyong halaga.
Inihayag ni Martinez na malaki umano ang kontribusyon ng mga OFWs sa pondo ng TESDA buhat sa bayad nila sa kanilang mga training at iba pang pangangailangan para makapagtrabaho sa ibang bansa.
Walang pinagkaiba umano ito sa pagpapagawa ng pamahalaan sa libo-libong t-shirts na “Kalsada Natin, Alagaan Natin” noong 2004 bago ang Presidential Elections na pinasuot na libo-libong streetsweepers na nagsisilbing “walking billboards” ng pamahalaan. (Danilo Garcia)