MANILA, Philippines - Ipinag-utos ng Taiwan Supreme Court ang pagkansela sa desisyon ng Taiwan Court of Appeals na ibaba sa parusang habambuhay na pagkabilanggo ang parusang bitay na ipinataw sa OFW na si Cecilia Alcaraz dahil sa pagnanakaw at pagpatay sa isang babaeng Taiwanese noong taong 2007.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), bukod sa pagkansela sa desisyon, ipinabalik din ng mataas na hukuman sa appellate court sa Kaohsiung ang kaso para muling dinggin matapos na umapela ang pamilya ni Alcaraz gayundin ang pamilya ng biktimang si Chiu Mei Yun, isang broker para sa English language jobs sa naturang bansa.
Nabatid na nais ng kampo ni Alcaraz na mabigyan ito ng SC ng complete pardon, habang nais naman ng pamilya ng biktima na maibalik ang parusang bitay sa akusado.
Ayon kay Manila Economic and Cultural Office (Meco) Resident Representative Ambassador Antonio Basilio, sinabi rin ng SC na inconsistent at contradictory ang desisyon ng appellate court kaya’t ibinalik dito ang kaso.
Hindi naman umano malinaw kung anong uri ng proceedings ang isasagawa ng appellate court ngunit tiniyak na handa ang legal team ni Alcaraz upang idepensa ito, sa pangunguna ni Jiao Wen Cheng.
Si Alcaraz ay convicted sa kasong murder at hinatulang mabitay ng Kaohsiung District Court noong Setyembre, 2008.
Napababa naman ang parusa ni Alcaraz sa parusang habambuhay na pagkakabilanggo noong Mayo. (Mer Layson)