MANILA, Philippines - Tila ginawang mga “fall guys” ng administrasyon sina dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos Jr. at Social Security System chief Romulo Neri matapos na sila lamang ang idiin ng Ombudsman sa nabukong $329 milyong NBN-ZTE deal.
Sinabi ni United Opposition President at Makati City Mayor Jejomar Binay na makokonsensiya din sina Abalos at Neri at tiyak na ibubulgar din ng mga ito ang kanilang nalalaman hinggil dito.
Hindi na rin siya umaasa na itutuloy ng Ombudsman ang kaso laban kina Pangulong Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo matapos na kapwa ipawalang-sala ito ng ahensya.
“After all they did for the Arroyos, mukhang inilaglag na sila. It’s never too late for Chairman Abalos and Secretary Neri to see the light. They know much, much more than they revealed publicly and I am hoping against hope that they will finally tell the entire story,” ayon kay Binay.
Dahil umano sa naturang desisyon, malaking porsyento ng taumbayan ang naniniwala na nawala na ang kredibilidad ng Ombudsman at isa na lamang instrumento sa pagbibigay ng proteksyon sa administrasyon at prosekusyon naman sa kanilang mga kalaban sa politika.
Hinikayat naman ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan sina Neri at Abalos na tumayo na lang bilang state witness at ituro ang tunay na mastermind sa NBN-ZTE scandal para maparusahan ito, lalo pa at ang mga ito lang ang nakakaladkad sa maanomalyang proyekto.
Naniniwala si Pangilinan na hindi maglalakas-loob sina Neri at Abalos na pasukin ang broadband deal kung walang basbas ng mga ma impluwensiyang tao sa Malacañang.
Dismayado naman ang witness dito na si Rodolfo “Jun” Lozada dahil nakaligtas ang mga utak sa anomalya at ang mga tauhan lamang nito ang kakasuhan.
Ayon kay Lozada, mahirap tanggapin ang desisyon ng Ombudsman dahil marami na siyang sinakripisyo kasama ang kanyang pamilya para sa katotohanan. (Danilo Garcia/ Malou Escudero/ Doris Franche)