MANILA, Philippines - Nadismaya ng husto ang mga kumukuha ng E-passport sa Department of Foreign Affairs dahil lang sa pagbibigay ng prayoridad kay Senadora Consuelo “Jamby” Madrigal.
Noong Agosto 26, 2009 dakong alas-2:30 ng hapon ay dumating umano si Madrigal sa DFA kasama ang napakaraming security staff at pa-VIP na nagtungo sa opisina ng Director for Passport upang magpalitrato at kunin ang kanyang pasaporte.
Dahil dito’y nahinto ng halos isang oras ang pagproseso ng E-passport ng isang daang aplikanteng ilang oras na nakapila para makakuha ng pasaporte bukod pa sa nagkalat ang security ni Madrigal sa buong compound ng DFA.
Ang buong normal na proseso ay hindi na umano dinaanan ni Madrigal tulad ng pagpila sa window 28 ng DFA, pagbabayad sa cashier at dumiretso na ito sa data capturing.
Sa naturang ginawa ni Madrigal ay marami umano ang nainis dahil bukod sa pagkaantala ng proseso ay tila naging presidente agad ang pakiramdam ng una, kaya malayo umano ang ginawa ng senadora sa sinasabi nitong siya ay simple lang kaya paulit-ulit ang isinusuot na damit.
“Kung prinsesita pala ang pag-uugali ni Jamby, pano pa kung magpresidente siya. Sana matalo para maturuan ng aral sa pagpapakumbaba,” anang isang nakapila sa DFA na humiling na di banggitin ang pangalan.
Ang E-passport ay isang proyekto ng DFA para magkaroon ng maganda at kalidad ang mga pasaporte at imahe ng bansa.
Sa kasalukuyan, 10,000 hanggang 12,000 aplikante ang kumukuha ng passport sa buong bansa.
Samantala, sinabi ni dating pangulong Joseph Estrada na ang kakausapin niya para magkaisa ang oposisyon ay ang mga lehitimong opposition presidential candidates at hindi hao-shao.
Kabilang sa mga nabanggit niya para sa unification ay sina Senators Manny Villar, Mar Roxas, Chiz Escudero, Loren Legarda at Makati Mayor Jejomar Binay. Hindi niya binanggit si Madrigal. (Mer Layson)