Infomercial 'di pwedeng ipatigil - Comelec

MANILA, Philippines - Inamin ni Commission on Elections spokesman James Jimenez na wala silang kapangyarihan upang ipag-utos ang pag­papatigil ng mga nasabing infomercials ng mga Ga­binete ni Pangulong Arroyo.

Ayon kay Jimenez, hindi pa nagsisimula ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) at wala pa sinuman sa mga Cabinet members na nagpa­palabas ng infomercials ang pormal na nakapag­hain ng kanilang kandidat­ura para sa 2010 elections.

Paliwanag ni Jimenez, kahit pa paulit-ulit nang sinasabi ng isang indibid­wal ang kanyang planong pagpasok sa pulitika, hindi pa ito maaring pigilan sa mga ginagawa niyang promosyon hangga’t hindi pa ito ganap o pormal na kandidato para sa halalan.

Karapatan umano ng isang tao o bahagi ng “freedom of expression” sa ilalim ng Saligang Batas na magsalita upang ipakilala ang kanyang sarili sa taumbayan sa alinmang pamamaraan.

Gayunman aminado naman si Jimenez na hindi lahat ng legal sa ilalim ng batas ay maituturing na moral at ethical.

Dahil dito, pinayuhan ni Jimenez ang mga botante na magpasya ng tama sa darating na eleksyon.

Kung sa tingin aniya ng mga botante ay mali ang ginagawa ng mga Cabinet members at iba pang pulitikong may infomer­cials, ay sila na ang baha­lang magpasya kung ibo­boto o hindi ang mga ito. (Doris Franche/Mer Lay­son)

Show comments