Finance official sabit sa printing scam
MANILA, Philippines - Kinasuhan kahapon ng katiwalian sa Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) ang isang mataas na opisyal ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) ng dalawang security printers ng National Printing Office (NPO).
Pinasisibak sa tungkulin ng J.I Printers, Inc. at Western Visayas Printing Corporation, si Ma. Presentacion R. Montesa, executive director ng BLGF.
Ito’y dahil sa paglabag umano sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa ilalim ng section 3 ng Republic Act No. 6713 o lalong kilala sa tawag na Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Pinatatanggalan din ng benepisyo, bukod sa pagsuspinde ng 90-araw si Montesa upang hindi na umanong makaimpluwensiya pa ito sa kasong iniharap nila laban sa opisyal.
Sa kanyang reklamo sa PAGC na isinampa noong Agosto 20, taong kasalukuyan, sinabi ni Roberto S. Alberto, account executive ng J. I. Printers, noong Disyembre 18, 2008; hiniling umano ni Montesa sa Department of Finance na pahintulutang makapagpa-imprenta ng mga ‘accountable forms’ ang alinmang local na ahensiya ng pamahalaan.
Inaprobahan umano ng DOF ang Department Order No. 1-09 noong Enero 6, 2009 sa pagsasabing lahat ng local treasurers sa probinsiya, siyudad at munisipyo ay maaaring magpatuloy sa paglilimbag ng kanilang ‘customized accountable forms’ para sa mga private security printers, base na rin sa itinatadhana ng Executive Order 378.
Sinabi ni Alberto na Abril 14, 2009, nakatanggap sila ng sulat mula kay Montesa na nagsasabing ang opisina nito ay tumatanggap na ng aplikasyon para sa akreditasyon mula sa mga private security printers nang hindi man lamang ipinapaliwanag ang mga legal at tamang basehan.
Sinabi naman sa reklamo ni Raymond Malapajo, general manager ng Western Visayas Printing na May 20, 2009, hayagang nilabag ni Montesa ang panuntunan ng Malakanyang at NPO dahil pinahintulutan nilang makasali ang isang suspendidong security printer.
Ani Malapajo, binalewala nito ang inilabas na Memorandum Circular 180 ni Executive Secretary Eduardo Ermita na nagbibigay linaw na ang lahat ng mga pagpapa-imprenta sa mga government security forms ay nasa eksklusibong hurisdiksiyon ng NPO. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending