MANILA, Philippines - Napagkaisahan muli si Senador Manny Villar matapos na magkaroon ng iisang desisyon sina Senador Mar Roxas at Panfilo Lacson na huwag munang aprubahan ang rekomendasyon ng Senate Committee on Ethics para ibasura ang alegasyon ng land grabbing ng una.
Una ng napagkasunduan at napirmahan ng anim na miyembro ng naturang komite na ibasura ang nasabing reklamo laban kay Villar dahil na rin sa kawalan nito ng hurisdiksiyon.
Sa pagdinig ng komite ni Lacson kamakalawa ay agad na naisulong ang rekomendasyon na iabsuwelto si Senador Richard Gordon mula sa reklamo ng isang kongresista ngunit agad naman ipinagpaliban ang pag-absuwelto kay Villar dahil kinakailangan pa na hintayin ang mga dokumentong ipiprisinta ni Senador Jamby Madrigal hinggil sa usapin sa C-5 Road projects ni Villar dahil posibleng may kaugnayan ito.
Ito ay inaprubahan naman ni Lacson at patatagalin pa ng ilang linggo ang pagdinig hanggang hindi nasusuri ng general council. Ang nasabing pagpapaliban ay hiniling ni Roxas.
Gayunman, hindi ikinagulat ni Villar ang desisyon ng komite dahil alam na aniya ang pagkakampihan ng mga senador na posibleng makalaban niya sa presidential election sa 2010.
Matatandaan na hindi tinanggap ni Senate President Juan Ponce Enrile ang mga ebidensiya mula kay Madrigal dahil nangyari ang alegasyon noon pang 1998 at noong July 2008 ay nagpalabas ng desisyon ang Office of the Ombudsman na nagbasura sa katulad na kaso ng land grabbing at plunder laban kay Villar at sa asawa nitong si Las Pinas Rep. Cynthia Villar. Sina Roxas at Madrigal ay kabilang sa mga tatakbong presidente sa 2010. (Butch Quejada)