Partylist pinaglalaruan na lang
MANILA, Philippines - Pinuna kahapon ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. na tila pinaglalaruan na lang ngayon ng ilan ang mga partylist na pumapasok sa Kongreso.
Sinabi ng senador na dumarami ang nagpapakilalang marginalized group na isa sa mga rekisitos para kilalanin ng Commission on Elections bilang partylist.
“Pinaglalaruan na lang ngayon ang party list. Kung sinu-sino na lang ang nakakapasok,” sabi ni Pimentel, na kinikilalang ama ng Local Government Code.
Napuna ni Pimentel na parami na ng parami ang mga nag-aaplay na partylist sa Comelec bagaman hindi lehitimong marginalized sector ang nakakapasok sa Kongreso.
Ayon kay Pimentel hindi dapat magpaimpluwensiya ang Comelec sa sinumang opisyal ng gobyerno para lamang kilalanin at makasama sa eleksiyon ang isang party-list group.
Kaugnay nito, umabot sa halos 300 grupo ang nagpatala sa Comelec para makalahok sa eleksyon sa 2010 bilang partylist representative sa Kongreso.
Nabatid sa Comelec na, bukod sa mga marginalized sector na tulad ng mahihirap at magsasaka at kababaihan, sumali na rin ang ilang malalaking negosyante tulad nina Arnel Ty ng LPG Marketers Association at Manuel Zamora na kumakatawan naman sa grupong 1-Adhikain ng Industriyang Magmamanok.
Maging ang mga dating party list group na unang na-diniskwalipika ng Comelec sa party list election noong 2007 ay muling nagpatala tulad ng FPJPM at Ang Ladlad.
Maging ang mga grupo ng mga retiradong sundalo na Armed Forces of the Philippines Retired Enlisted Personnel Association at Magdalo Para sa Pagbabago ay nagpatala rin.
Nakatakda namang ilabas ng Comelec ang listahan ng mga kwalipikadong party list group sa Oktubre. (Malou Escudero at Doris Franche)
- Latest
- Trending