MANILA, Philippines - Umiskor ang mga operatiba ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) makaraang mabawi ang aabot sa 94 mga carnap na behikulo sa unang bahagi ng taon sa serye ng operasyon sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay PNP-HPG Director Chief Supt. Orlando Mabutas 72 hot cars ay nasamsam sa Cebu, 16 sa Central Luzon at anim mula sa Davao.
Narekober rin sa operasyon sa Bulacan at Pampanga ang mga chop–chop na spare parts ng mga kinarnap na behikulo.
Pinayuhan naman ni Mabutas ang mga may-ari ng narekober na mga behikulo na magtungo sa tanggapan ng PNP-HPG sa Camp Crame at magpakita ng kaukulang dokumento upang mabawi ang kanilang mga behikulo. (Joy Cantos)