FVR umayaw sa Lakas-Kampi
MANILA, Philippines - Tinanggihan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang alok na maging chairman emeritus ng makaadministrasyong koalisyong Lakas-Kabalikat ng Malayang Pilipino-Christian Muslim Democrats.
“I hereby declined the position of Chairman Emeritus of Lakas-Kampi-CMD as affirmed,” ani Ramos bago sumakay ng eroplano ng PAL para dumalo sa 50th anniversary ng Asian Institute of Technology sa Bangkok, Thailand kahapon.
Iginiit ni Ramos sa kanyang liham kay Pangulong Arroyo na mariin ang pagtututol niya sa pagsasanib ng Lakas-CMD at ng Kampi noong Mayo.
Pinuna pa ni Ramos na hindi nakonsulta ang lahat ng miyembro ng Lakas-CMD bago ito isinanib sa Kampi na pinamumunuan ni Gng. Arroyo.
Gayunman, nilinaw ni Ramos na nananatili siyang chairman emeritus ng Lakas-CMD.
Sinabi naman ni Executive Secretary Eduardo Ermita na nakakalungkot ang desisyon ni Ramos pero iginiit niya na naipaliwanag na rito nang husto ang lahat bago nagsanib ang dalawang partido.
Samantala, pinagdududahan ni House Speaker Prospero Nograles si dating House Speaker at Pangasinan Rep. Jose de Venecia Jr. ang nasa likod ng pagtanggi ni Ramos para siya ang maging Chairman Emeritus ng Lakas Kampi CMD dahil ang una umano ang siyang nang-iintriga sa kanilang partido.
Kasalukuyang nakabimbin sa Commission on Elections ang petisyon ni de Venecia na humihiling na ipawalambisa ang pagsasanib ng Lakas at Kampi. (Rudy Andal/Butch Quejada)
- Latest
- Trending