MANILA, Philippines - Kumilos kahapon ang Department of Foreign Affairs upang saklolohan ang 18 Pilipinong opisyal at miyembro ng Migrante International kabilang ang walong overseas Filipino workers na inaresto ng pulisya sa isang apartment sa Riyadh, Saudi Arabia noong Biyernes.
Inatasan ng DFA ang Embahada ng Pilipinas sa Riyadh na tulungan ang mga nakapiit na opisyales ng Migrante at walong OFW na biktima ng pagmamaltrato at pang-aabuso matapos na tumakas sa kani-kanilang mga amo.
Mula sa naturang grupo, pansamantalang pinakawalan ng Saudi Police ang pinuno ng Kapatiran sa Gitnang Silangan na si Ricardo Joso, tumatayo ring coordinator ng Migrante sa Riyadh at dalawang iba pa.
Nasa kustodya pa rin ng Saudi Police ang 15 iba pang Pilipino habang isinasagawa ng ebalwasyon sa kanilang “iqama”, ang opisyal na identification ng mga dayuhan para sa legal na pananatili sa Saudi. (Ellen Fernando)