Sabi ni Brother Eddie: Pagkamatay ng 23 sundalo pananagutan ni Gloria
MANILA, Philippines - Ang pagkamatay ng may 23 sundalo na sumagupa sa Abu Sayyaf sa Basilan ay isang “kapabayaang kriminal” umano ni Presidente Gloria Arroyo bilang commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines.
Ito ang sinabi ni Bro. Eddie Villanueva, pinuno ng good governance group na Bagong Pilipinas at Bagong Pilipino Movement kasabay ng pagbatikos sa maluhong paggastos ng Pangulo habang napababayaan ang pangangailangan ng mga kawal.
“Ang dugo ng mga kawal na ito ay nasa kamay ni Mrs. Arroyo at ng kanyang mga kasamahan. Kasabay ng kanilang maluhong paggastos at pag-aaksaya ng salapi, nangamatay ang mga sundalong nagmamahal sa bayan dahil kulang sa mga modernong sandata at kagamitan.” Ani Villanueva sa isang press statement.
Idiniin ni Villanueva na dapat parangalan ang mga nasawing kawal. Binatikos ni Villanueva na ang mga maluluhong foreign trips ng Pangulo na umabot na sa halagang P2.7 billion simula pa noong 2003, ayon sa record ng Commission on Audit, habang ang military ay kapos sa pondo para bumili ng makabagong sandata at kagamitan.
- Latest
- Trending