MANILA, Philippines - Iminungkahi kahapon ni Senate Minority leader Aquilino Pimentel Jr. na isama si People’s Champ Manny “Pacman” Pacquiao sa negosasyong pangkapayapaan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front. Naniniwala si Pimentel na magiging epektibong negosyador si Pacquiao at papakinggan ito ng mga miyembro ng MILF.
“Ang suggestion ko, pakinabangan na nila si Manny Pacquiao because maalala nyo, nung unang manalo si Manny at hina nap ano possible role nya sa gobyerno, isa ako sa nag-suggest na gamitin siyang peacemaker, negotiator for peace in Mindanao, mahal siya ng mga Moros at Kristyano dun,” sabi ni Pimentel.
Sinabi pa ni Pimentel na malaki ang impluwensiya ni Pacquiao sa mga taga-Mindanao, lalo na sa lider ng MILF at sa mga dating miyembro ng Moro National Liberation Front.
Ipinaalala ni Pimentel na itinalaga ng Pangulo si Pacquiao bilang ambassador for peace at ngayon ang tamang panahon para gamitin siya ng gobyerno.
Sinabi ni Pimentel na, sa halip na magsagawa ng lahatang opensiba laban sa MILF, subukan muna ang pag-uusap. Ipadala sa Mindanao si Pacquiao.
Nangangamba si Pimentel na, kung magpapatuloy ang bakbakan ng gobyerno at ng MILF, mas marami pang buhay ang malalagas.
Ipinunto pa ni Pimentel na mataas ang respeto ng mga taga-Mindanao kay Pacquiao at iniidolo ang boksingero.