MANILA, Philippines - Natuwa ang mga miyembro ng Filipino-Chinese community sa hakbang ng Bureau of Immigration (BI) na paluwagin pa ang polisiya nito sa pagpasok ng turista mula Mainland China.
Sa sulat kay Immigration Commissioner Nonoy Libanan, pinuri ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) ang BI chief sa pagbibigay ng visa-free entry privileges sa mga turistang Chinese na madalas bumiyahe sa ibang bansa.
Tinutukoy ng federation ang memorandum order na pinirmahan ni Libanan dalawang linggo na ang nakalipas na pumapayag sa mga nasabing Chinese nationals na pumasok at manatili sa bansa ng pitong araw kahit walang visa.
Pasok sa bagong polisiya ang Chinese nationals na may hawak na balidong visas mula sa United States, Japan, Australia, Canada, at European Union (Schengen).
Napaulat na inilabas ni Libanan ang order sa kautusan na rin ni Pangulong Arroyo upang maitaguyod at mapalakas ang turismo sa bansa.
Dahil sa bagong polisiya, kumbinsido si Libanan na maraming negosyante at turistang Tsino pa ang bibisita at mamumuhunan sa Pilipinas, na makapagbibigay ng bagong trabaho sa mga Pilipino. (Butch Quejada)