Akbayan sumuporta kay Roxas
MANILA, Philippines - Opisyal na inendorso ng Akbayan Partylist si Senador Mar Roxas, Presidente ng Liberal Party, bilang kandidato sa pagkapangulo sa 2010 presidential election.
Kasabay nito, pormal na ring inanunsyo ng nasabing grupo ang pagtanggap nito sa imbitasyon ng Liberal Party na tumakbo bilang guest candidate nito si Akbayan Rep. Risa Hontiveros bilang senador sa Liberal senatorial slate sa 2010.
Inaasahang makakasama ni Hontiveros sa LP senatorial slate ang iba pang mga kumpirmadong tatakbo bilang senador gaya ni dating Senate President Franklin Drilon at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon.
Ang Akbayan ang unang partido na nag-endorso ng isang kandidato para Pangulo sa 2010. Si Roxas ang inaasahang magiging pambato ng LP sa eleksyon sa susunod na taon.
“Oras na para ang mga pwersang nagnanais ng tunay na pagbabago sa ating bansa ay magkaisa para makamit na natin ang matagal nating minimithing maunlad at modernong bansa,” pahayag ni Roxas matapos na tanggapin ang pag-indorso sa kanya ng Akbayan sa isang fellowship night kagabi sa Antipolo City.
Dagdag niya, magsasama ang Partido Liberal at ang Akbayan sa paghahain sa taumbayan sa 2010 ng isang pamahalaang “aktibong aaruga sa kapakanan ng bayan at seryoso sa pagpursigi ng mahahalagang reporma sa gobyerno.”
Sinabi ni Ronald Llmas, na nahalal muling pangulo ng Akbayan sa ika-apat na Kongreso nito sa Club Filipino, kasama sa batayan ng AKBAYAN sa pag-endorso kay Roxas ay base sa prinsipyo at plataporma.
Kampante ang AKBAYAN na sa pagpasok ni Rep. Hontiveros sa slate ni Roxas ay mapapatibay ang isang agenda laban sa korapsyon sa gobyerno at pagpapahusay ng ekonomiya ng bansa na pinu-protektahan ang mga lokal na industriya at mga magsasaka, manggagawa at propesyunal.
- Latest
- Trending