18 Pinoy inaresto sa Saudi
MANILA, Philippines - Inaresto ng Saudi Police ang 18 miyembro ng Migrante International kabilang ang chairperson ng Kapatiran sa Gitnang Silangan (KGS) dahil sa umano’y illegal na pagtitipon sa isang apartment sa Riyadh, Saudi Arabia kahapon.
Ayon sa report, sinalakay ng Riyadh Police ang isang apartment sa Badea district habang nagsasagawa ng pagpupulong ang grupo ng Migrante International, ang alyansa ng mga migranteng organisasyon sa buong mundo.
Nahaharap sa kasong “immorality” ang nasabing grupo na binubuo ng 10 kalalakihan at walong kababaihan na pawang mga Filipino nationals kabilang ang isang Eric Jocson, chairperson ng KGS.
Sa batas ng Saudi, mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitipon at pagsasama ng magkahalong lalaki at babae sa isang pribado at maging sa pampublikong lugar maliban lamang kung ang mga ito ay mag-asawa o magpamilya.
Kakasuhan din umano ang isa pang Pinoy na umuupa ng naturang sinalakay na apartment unit dahil sa pang-aarbor ng mga “runaways” o manggagawang tumatakas.
Napag-alaman ng Saudi Police na lima sa mga inarestong Pinoy ay wala ring hawak na “iqama”, isang opisyal na identification card para sa Saudi residence permit. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending