TV reporter, 3 pa sugatan, Chopper niratrat sa Basilan
MANILA, Philippines - Apat katao, kabilang ang isang television reporter ang sugatan matapos na paulanan ng bala habang sakay ng isang chopper sa lalawigan ng Basilan kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina George Bandola, reporter ng NBN Channel 4; cameraman Egay Luciano at mga staff ng Office of the Secretary na sina Louie Iglesias, photographer at isa pang kasama nito.
Nangyari ang insidente sa may boundary ng Tipo-tipo at Lamitan ganap na alas-11 ng umaga.
Ayon kay Bandola, sakay sila ng isang military chopper upang kumuha ng video footage ng flag raising sa kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILG) nang paulanan sila ng bala ng kalibre 50 mula sa ibaba.
Sa pamamaril ay nasugatan si Bandola mula sa shrapnel ng chopper na tinamaan ng bala, habang tinamaan naman sa kaliwang braso ang kanyang cameraman. Si Iglesias naman ay sa kanang binti.
Ayon pa kay Bandola, agad naman silang nakapag-emergency landing sa ligtas na lugar kung saan sila sinaklolohan ng mga tropa ng militar.
Sa kasalukuyan nasa Naval Force hospital sa Zamboanga City ang nasabing mga biktima para magamot ang tinamo nilang mga sugat. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending