MANILA, Philippines - Ikinasa na ng pulisya ang pagtugis laban kay dating Abra Governor Vicente Isidro Valera matapos mag palabas ang Quezon City Regional Trial Court ng warrant of arrest kaugnay sa pagpatay kay Abra Rep. Luis ‘Chito’ Bersamin at ang police escort nito may tatlong taon na ang nakararaan. Inatasan ding dakpin ni Judge Luisito Cortez ang security escort ni Valera na si Army Sgt. Leo Bello at aide na si Jerry Turqueza.
Ayon sa opisyal sa Camp Crame, si Valera ay nagpaparamdaman ng pagsuko pero pansamantala ay inaalam ng awtoridad ang kinaroroonan nito at sina Bello at Turqueza.
Naunang sinabi ni PNP chief Director Gen. Jesus Ver zosa, na ang kaso laban kina Valera, Bello at Turqueza at tatlong iba pa ay base sa pagkumpisal ng dalawang naarestong suspect na sina Freddie Dupo, dating vice mayor ng La Paz town sa Abra, at si Sonny Taculao.
Maalalang si Bersamin at ang kanyang bodyguard ay pinagbabaril hanggang sa mapatay noong Dis. 16, 2006 matapos na dumalo ito sa kasal ng kanyang pamangkin sa Our Lady of Mount Carmel sa New Manila, QC.
Ayon sa pulisya, ang motibo sa pamamaslang kay Bersamin ay isang ‘political rivalry’ dahil naging matunog ang pagtakbo nito bilang gobernador ng Abra sa nakaraang eleksyon laban sa incumbent na si Valera.
Kinasuhan din sina Leo Bello; Jerry Tarqueza; at isang alyas Jun, Jeff-Jeff at Mel; at iba pang John Does sa QC Prosecutor’s Office. (Ricky Tulipat)