Jeepney bawal na sa EDSA!
MANILA, Philippines - Wala nang atrasan ang pagpapatupad ng “phase–out“ sa lahat ng pampasaherong jeep na bumibiyahe sa kahabaan ng Edsa sa sandaling magawa na ang LRT 1 at MRT 3 link sa Enero 2010.
Ito ang tiniyak ni LTFRB Chairman Alberto Suansing sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan kasabay ng pahayag na maging ang mga bus na bumibiyahe dito ay mababawasan na rin.
Ayon kay Suansing panahon pa man ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ay mahigpit nang ipinagbabawal ang mga pampublikong jeep sa EDSA at kapag naisara na ang “closing loop” ng LRT at MRT ay hindi na kakailanganin ang PUJ sa Edsa.
Sa buwan naman ng Disyembre inaasahang ipakikita sa publiko ang “dry run” ng mga tren at malamang na masasakyan na ito ng publiko sa Enero 2010.
Gayunman, umaasa si Roberto Martin, presidente ng Pasang Masda, na pagbibigyan pa rin ng LTFRB ang pananatili ng mga PUJ sa ilang bahagi ng EDSA partikular na ang biyaheng Balinta wak-Monumento dahil na rin sa publiko na namimili sa Balintawak market dahil bawal namang isakay sa mga aircondition bus ang mga “wet goods’.
Sinabi naman ni Suansing na pag-aaralan nila ang sitwasyon bagama’t nanindigan ito na walang dapat na pumapasadang PUJ sa Edsa.
- Latest
- Trending