Sa TV infomercials, Cabinet officials kakasuhan
MANILA, Philippines -Irerekomenda ni Senator Miriam Defensor-Santiago sa ilalabas na report ng economic affairs committee at blue ribbon committee ng Senado na sampahan ng kasong kriminal ng Ombudsman ang mga miyembro ng Gabinete na hindi maayos na maipapaliwanag kung saan nanggaling ang pondo ng kanilang TV infomercials.
Ayon kay Santiago, walang batas na nag-uutos sa mga miyembro ng Gabinete na i-publicize ang kanilang mga departamento at iligal para sa kanila na ibandera ang kanilang mga sarili sa mga infomercials.
May 12 miyembro ng Gabinete at iba pang opisyal ng gobyerno ang inimbitahan ni Santiago sa kanyang hearing pero ang sumipot lamang ay sina Vice President Noli de Castro, Finance Secretary Margarito Teves, Health Secretary Francisco Duque, Education Secretary Jesli Lapus, Budget Secretary Rolando Andaya at Philippine Amusement and Games Corporation Chairman Efraim Ge nuino.
Mistula namang binoykot ng kanyang mga kasamahang senador si Santiago dahil tanging siya lamang ang nagsagawa ng pagdinig bagaman at sa kalagitnaan nito ay dumating si Senator Loren Legarda.
Ipinaliwanag ni Santiago na maaari naman niyang ipagpatuloy ang hearing kahit walang quorum dahil nangyari na ito noong 1988 kung saan pinayagan ang isang senador na magsagawa ng hearing dahil may awtorisasyon ito ng kanyang mga kasamahan.
Pero binanatan din ni Santiago ang kanyang mga kasamahang senador na halata umanong ‘guilty’ rin sa pinag-uusapang isyu kaya hindi sumipot sa hearing.
Ipinaliwanag naman ni Teves na walang pera ng gobyerno ang ginastos sa kanyang commercial dahil Solar Sports umano ang nagbayad dito.
Ayon naman kay Duque, ang pondong ginamit ng kanyang infomercials ay mula sa budget ng national center for health promotion na inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Umabot umano sa P21M ang media placement ng DOH para lamang ngayong taong 2009.
Sinabi naman ni Vice President de Castro na mula sa corporate fund ng Pag-Ibig ang pondong ginamit sa kanyang infomercials.
Gumastos umano ng nasa P172M para sa radio at TV ads ang ahensiya simula noong 2007 hanggang sa kasalukuyan.
Ayon naman kay Genuino, gumastos sila ng nasa P82 milyon at ang pondo ay nagmula sa PAGCOR dahil hindi naman sila nakakakuha ng pondo mula sa gobyerno.
Sinabi naman ni Fernan do na nanggaling sa kanilang public relations fund ang gastos sa infomercial na umabot sa P5.8M.
- Latest
- Trending