MANILA, Philippines - Mariing pinabulaanan kahapon ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. ang lumabas na ulat na sinabi umano niyang sumasakay lang si Sen. Jamby Madrigal sa popularidad ni Sen. Manny Villar kung kaya isinampa nito sa Ethics committee ang usapin hinggil sa C-5 road extension project na dinidinig ngayon sa Senate Committee of the Whole na pinamumunuan ni Senate President Juan Ponce Enrile.
“Wala akong sinasabi na sinasakyan ni Jamby ang popularidad ni Manny,” sabi ni Pimentel sa isang press conference kahapon.
Nilinaw ni Pimentel na ang sinabi lamang niya ay nadagdagan ang problema ng ethics committee dahil nagdeklara nang tatakbong presidente si Madrigal na tumatayong complainant at testigo laban kay Villar.
Nilinaw din ni Pimentel na itutuloy ng minorya ang pagboykot sa imbestigasyon ng Committee of the Whole na magsasagawa ng inspeksiyon sa kontrobersiyal na C-5 road project sa susunod na Huwebes.
Hihintayin na lamang umano nila ang magiging desis yon ng Korte Suprema hinggil sa isyu. (Malou Escudero)