Sa magarbong dinner: GMA pinakakasuhan sa Ombudsman

MANILA, Philippines - Nireklamo sa tanggapan ng Ombudsman ng Akbayan partylist sa pamamagitan ni Rep. Walden Bello si Pangulong Gloria Arroyo at kanyang mga nakasama sa kanyang trip sa Estados Unidos.

Sa dalawang pahinang reklamo, hiniling ni Bello kay Ombudsman Merceditas Gutierez na imbestigahan si Pangulong Arroyo at party sa ginawang pagkain sa Le Cirque restaurant sa New York city kung saan sinasabing gumastos ang pamahalaan dito ng halagang P1 milyon sa pagkain pa lamang.

Binigyang diin ni Bello na bagamat ang napaulat na isyung ito ay hindi kaaya-aya na ginawa ng mga nakapuwesto sa gobyerno, kailangang gamitin ng Ombudsman ang kanyang constitutional function upang magsagawa ng sariling pag-imbestiga sa usaping ito dahil ito ay illegal, unjust at in-epesyente.

Dapat anyang malaman ng taumbayan ang katotohanan kung sino ang talagang gumastos sa dinner ni Pangulong Arroyo at party nito sa naturang restaurant na umaabot ng P1-M dahil ito ay isang malinaw na paglabag sa section 4 ng RA 6713 na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na maglustay ng salapi para sa sariling kapakanan o kasiyahan.

Bukod dito, kailangan umanong pagpaliwanagin ang mga opisyal ng gobyerno na kasama sa maluhong gastusan na ito at kung sino sino ang mga ito at tumbukin kung saan galing ang ginastos na pera para sa milyong pisong halaga ng dinner lamang. (Angie dela Cruz/Butch Quejada)

Show comments