MANILA, Philippines - Itutuloy ng 18-anyos na kasambahay na sampahan ng kaukulang kaso ang among negosyante dahil sa umano’y pagmamaltrato sa kanya ng limang taon.
Una ng sinagip ng Commission on Human Rights (CHR), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Quezon City Police ang biktimang si Mary Jane Sollano dahil matagal na itong minamaltrato at ikinukulong ng kanyang among si Mariano Tanenglian.
Isusulong pa rin ng pamilya Sollano ang kaso sa kabila ng pagpapapirma ng waiver ni Tanenglian para mapalaya ito. Inakala ng mga magulang ng biktima na patay na ito at natunton lang ng makatakas ang kasamahang maid at naireport ang pagmamalupit ng suspek.
Bunsod nito’y sumisigaw ng katarungan ang mga kaanak ni Sollano dahil sa trauma na dinanas ng biktima mula sa pang-aabusong pisikal at emosyonal ng dalawang anak at asawa ni Tanenglian na si Aleta.
Sa reklamo ng biktima, bukod sa kayod kalabaw siya ay hindi pa pinakakain sa oras at di pinapayagang lumabas ng bahay o tumawag sa kanyang mga kaaanak sa telepono.
Magugunita na sinabi ni Atty. Melanie Trinidad, na hiningan ng tulong ng pamilya ng dalaga, na posibleng maharap sa kasong child abuse at maltreatment ang pamilya Tanenglian dahil 13-anyos pa lang ang biktima ng maging kasambahay ito. (Ricky Tulipat)