1 milyon katao sa China, inilikas dahil kay 'Kiko'
MANILA, Philippines - Matapos na makaalis sa Pilipinas ang bagyong si “Kiko” na nag-iwan ng may 22 kataong patay, umaabot naman sa isang milyong katao ang inilikas sa China nang sagasaan ng nasabing bagyo na pinangalan doon na “Morakot”.
Kumilos na ang Embahada ng Pilipinas sa Beijing upang alamin kung may mga Pinoy na naapektuhan sa paghagupit ng naturang bagyo dahilan upang bumagsak ang may 2,000 kabahayan at mabuwal ang isang anim na palapag na hotel. Isang bata ang iniulat na nasawi nang mabagsakan ng isang bahay sa Zhejiang province.
Ang nasabing bagyo na may lakas na 52 miles per hours na tumama sa Fugian province nitong Linggo ay may dalang malakas na ihip ng hangin na tinatayang 76 miles per hour at buhos ng ulan.
Base sa report, ang mga naglalayag na malalaking barko ay tinangay ng malakas na alon palayo sa Fugian habang daang libo katao pa ang stranded bunga ng malakas na hagupit ng bagyo sa eastern coastal provinces sa China. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending