MANILA, Philippines - Sinabi kamakailan ng Ombudsman na sapat ang ebidensya para ituloy ang imbestigasyon sa pangulo ng Bases Conversion Development Authority na si Narciso Abaya at iba pang sangkot sa kontrobersyal na P30 bilyong Subic-Clark Expressway project.
Kaugnay nito, inatasan ni Aleu Amante ng Ombudsman si Abaya at ang ibang nasasakdal na sagutin ang reklamo laban sa kanila o magsumite ng counter-affidavit.
Kabilang pa sa mga kinasuhan sina Arnel Paciano, abogado ng BCDA; Eduardo Lena, program manager; at mga opisyal ng Japanese contractor na Hazama-Taisei-Nippon Steel Joint Venture na sina Tadahiko Kajima, Makota Yoshida, Yoichi Inoue and Tsunemi Nagata.
Naunang inireklamo ng pangulo ng Construction Management and Consultancy Asia Inc. na si Armando de Rossi na nakipagsabwatan ang HTNJIV sa mga opisyal ng BCDA sa paglabag sa anti-graft law at nabigo ang mga ito na magbayad sa kanyang kumpanya ng P59.280 milyon bilang professional at consultancy fee. (Doris Franche)