MANILA, Philippines - Pinagbawalan ng Bureau of Immigration (BI) na makapasok sa bansa ang siyam na Belgian nationals sa pagsali sa isang kilos-protesta laban sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo.
Agad ding iniutos ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan na ilagay sa BI blacklist ang mga Belgians na sina Johan De myttenaere, Mario Alessander Bauwens, Stefanie Devloo, Nicky Broeckhoven, Marlies Geldof, Jelle Eeckhout, Greet Vantieghem, Mattia de Pauw, at Chiara Donadoni.
Nilinaw ni Libanan na hindi dapat silang makisawsaw sa internal affairs partikular sa political activity ng bansa, bilang temporary visitors kaya hindi na sila maari pang payagang muling makabalik dito.
May 5 araw na lamang na pinayagang makapanatili pa sa bansa ang tatlong dayuhan habang ang anim ay nakaalis na.
Sa ulat, ang mga nasabing dayuhan ay kabilang sa anti-government rally na isinagawa noong Hulyo 22, 2009 na nagmartsa mula sa Dasmarinas, Imus at Bacoor, Cavite.
Bigo ang kapulisan na sila ay arestuhin sa martsa nang humarang ang mga Pilipinong aktibista. (Ludy Bermudo)