MANILA, Philippines - Dumagsa ang may kalakihang dami ng tao mula madaling araw kahapon sa puntod nina dating Pangulong Corazon Aquino at esposo nitong si dating Senador Ninoy Aquino sa ika-siyam na araw matapos pumanaw ang dating lider ng bansa sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.
Napuno ng mga dilaw at pulang bulaklak ang paligid ng museleo ng mga Aquino at sari-saring mga liham ng pasasalamat at habilin ng mga tagasuporta ni Tita Cory. Mistula namang mga ekskarsiyunista ang mga dumarayo sa puntod dahil galing pa sa malalayong lalawigan lulan ng mga inarkilang sasakyan.
Samantala, isang resolusyon naman ang ipinasa ng Pasay City Council kung saan hinihiling sa National Historical Institute na maglagay ng isang marker sa maliit na simbahan kung saan ikinasal sina Ninoy at Cory sa naturang lungsod.
Marami umano ang hindi nakakaalam na sa maliit na simbahan ng Our Lady of Sorrows sa FB Harrison St., sa Pasay City ikinasal ang dating Pangulo at Senador noong Oktuber 11, 1954. (Danilo Garcia)