MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ni Makati Mayor Jejomar Binay na aabot na sa tinatayang 3,000 pamilyang Filipino na may anim na miyembro ang kayang pakainin sa loob ng isang araw ng may $20,000 o katumbas na P960,000 restaurant bill na umano’y gi nastos ng entourage ni Pangulong Arroyo sa isang French restaurant sa Estados Unidos.
Sinabi ni Binay na kung pribadong pera talaga ang ginamit sa naturang hapunan, nagpapakita pa rin ito ng pagiging insensitibo sa milyong Filipino sa bansa na nagugutom. Binanggit pa nito na nasa ika-56 bansa ang Pilipinas na nakakaranas ng pagkagutom, ayon sa survey ng Gallup International.
Sa mga naglabasang “blog messages”, umorder umano ang Philippine entourage ng 11 bote ng Krug champagne ($510 kada bote), Osetra caviar ($1,400 kada ounce), “Chefs Tasting Menu” ($4,500 para sa 25 order) at tatlong course ng Chef’s Seasonal Menu ($1,450 para sa 25 order).
Itinanggi na rin ng Malacañang ang lumabas na ulat ng New York Post kung saan simpleng hapunan lamang umano ang nangyari at hindi umabot sa naturang halaga. Wala rin umanong kahit isang kusing na pera ng sambayanan ang ginamit dito dahil sa sinagot ni Leyte Rep. Ferdinand Martin ang naturang hapunan.
Ayon kay Press Secretary Cerge Remonde, hindi din ipinasara ang nasabing high-end restaurant at sa katunayan ay marami umanong Filipino ang kumain na kasabay nila sa Le Cirque restaurant.
Ayon naman kay Sen. Miriam Defensor-Santiago, hindi siya kasama sa nasabing dinner at hindi raw tama na doon pa sa Le Cirque restaurant sa New York ganapin ang dinner gayung “pinaka-mahal” na restaurant ito.
Sa isang Vietnamese restaurant lamang siya kumain kung saan ay gumastos lamang siya ng $10. (Rudy Andal/Danilo Garcia)