MANILA, Philippines - Nagbanta ang ilang mga ospital sa bansa na magdaraos ng “hospital holiday” sa Sabado, Agosto 15 kapag ipinatupad ang Cheaper Medicines Law.
Gayunman, hindi tinukoy ni Health Undersecretary Alex Padilla ang mga pangalan ng mga pagamutan na nagbabantang mag-welga sa unang araw ng implementasyon ng naturang bagong batas.
Iginigiit umano ng mga naturang ospital na mapalawig pa ng anim na buwan bago tuluyang ipatupad ang bagong presyo sa mga gamot dahil kailangan mu nang maubos nila ang kanilang mga stocks na nabili pa nila sa mahal na halaga.
Hindi naman umano sinang-ayunan ng DOH ang kanilang kahilingan dahil matagal ng nabibinbin ang pagpapatupad ng mas mababang presyo sa mga gamot.
Iginiit pa ng DOH na kinakailangang sa Agosto 15 ay maramdaman na ng taumbayan ang naturang price cut, alinsunod sa Cheaper Medicines Act.
Inaasahang sa nasabing petsa ay pormal na ipatutupad ang hanggang 50 porsyentong kaltas sa presyo ng mga essential medicines sa bansa base sa boluntaryong price cut sa mga produkto ng mga pharmaceutical firms habang ang ibang gamot naman ay isinailalim sa maximum drug retail price (MDRP) ng pamahalaan, batay sa nilagdaang executive order (EO) ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang mga naturang gamot na “compulsory” na bababaan ng presyo ay panglunas sa mga sakit na cancer, high blood, impeksyon at mataas na cholesterol.