MANILA, Philippines - Itinalaga kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang bagong mahistrado ng Korte Suprema si Court of Appeals Associate Justice Mariano del Castillo.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez, si CA Associate Justice del Castillo ay pinili ni Pangulong Arroyo mula sa 6 na nominee ng Judicial and Bar Council (JBC) upang maging kapalit ng nagretirong si SC Justice Alicia Austria-Martinez.
Pormal namang nanumpa na kahapon sa ha rap ni SC Chief Justice Reynato Puno si del Castillo.
Bukod kay del Castro, kabilang sa limang pangalan sa shortlist sina Court of Appeals Associate Justices Martin Villarama at Hakim Abdulwahid, Sandiganbayan Associate Justice Francisco Villaruz, UST Law School Dean Roberto Abad at Atty. Rodolfo Robles.
Sa pagtatalaga ni Mrs. Arroyo kay del Castillo sa SC ay isa na lamang ang natitirang bakante sa High Tribunal sa posisyong iniwan ng nagretirong si Associate Justice Dante Tinga.
Mayroon na lamang hanggang katapusan ng Agosto si Pangulong Arroyo upang magdesisyon kung sino pa sa natitirang limang pangalan ang kanyang itatalaga bilang bagong Mahistrado ng Korte Suprema.
Naunang hiniling ng Malacañang sa JBC na dagdagan nito ang listahan ng pamimilian ni Pangulong Arroyo subalit nanindigan ang JBC at ibinalik ang nasabing listahan sa Palasyo kung saan ay hindi na dinagdagan ang nasa shortlist. (Rudy Andal/Gemma Garcia)