Sesyon ng Kongreso inukol kay Cory
MANILA, Philippines - Inukol ng House of Representatives ang buo nilang sesyon kagabi sa buhay ni dating Pangulong Corazon Aquino kasabay ng pagpapatibay ng dalawang resolusyon na nagbibigay ng parangal sa kanya at pakikiramay sa naulila niyang pamilya at humihiling na ideklara siya bilang pambansang bayani.
Umakda sa House Resolutions Nos. 1299 at 1300 sina Speaker Prospero Nograles, Majority Leader Arthur Defensor, at lahat ng miyembro ng Mababang Kapulungan.
Inaprubahan din ng House ang HR No. 40 na nagdedeklara sa ika-25 ng Enero bilang Cory Aquino Day bilang isang paraan para mapangalagaan ang demokrasya na ipinaglaban ng dating pangulo.
Sinuspinde rin ng Kongreso ang session nito ngayong araw para makasama ang mga mambabatas sa misa sa Manila Cathedral at sa libing ni Aquino.
Sa Senado, walong resolusyon ang inihain ng mga miyembro ng Mataas na Kapulungan para kilalanin ang kadakilaan ni Aquino.
Pinag-isa ang naturang mga resolusyon na inihain nina Senate President Juan Ponce Enrile, Senators Richard “Dick’ Gordon, Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV, Manuel Villar Jr., Lito Lapid, Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., Loren Legarda, at Francis Pangilinan. (Butch Quejada at Malou Escudero)
- Latest
- Trending