Imee at Bongbong pumunta sa burol ni Cory
MANILA, Philippines - Dumating kahapon sa burol ni dating Pangulong Corazon Aquino para makiramay ang dalawang anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na sina Ilocos Norte Congressman Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Imee Marcos.
Kasama ni Bongbong sa pagdating ang asawa niyang si Lisa.
Dakong 2:30 ng hapon nang dumating sa Manila Cathedral ang magkapatid na Marcos upang ipaabot ang kanilang taus-pusong pakikiramay sa pamilya Aquino dahil sa pagpanaw ng dating pangulo.
“Nakikiramay kami,” paabot pa ni Bongbong sa pamilya Aquino.
Tinanggap naman ng pamilya Aquino ang pakikiramay ng mga Marcos at nagpasalamat pa sa mga ito dahil naramdaman anila nila ang sinseridad ng mga ito sa pakikiramay.
“Nagpapasalamat ako sa pagpunta nila. Nararamdaman ko ang kanilang sinseridad,” sabi ni Pinky Aquino-Abellada.
Nagtagal lamang naman ng 20 minuto ang mga Marcos sa Manila Cathedral at kaagad na ring umalis at tumangging magbigay ng pahayag sa media.
Ang naturang pakikiramay ng mga Marcos ay isang palatandaan ng tuluyang pakikipagkasundo ng mga ito sa pamilya Aquino.
Ang dalawang pamilya ay kilalang political rivals dahil si Gng. Aquino ang nanguna sa pagpapatalsik kay dating Pangulong Marcos noong taong 1986. Sinisisi rin ng mga Aquino ang pa milya Marcos sa asasinasyon ni Ninoy noong taong 1983.
Una na rin namang nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya Aquino si dating Unang Ginang Imelda Romualdez-Marcos.
Nilinaw naman ng bunsong anak ni Aquino na si Kris na hindi man sila nakaharap sa magkapatid, nagkataon lamang na may humarap naman kina Imee at Bongbong na sina Jundy at anak na si Ballsy Cruz, upang magpasalamat.
Ani Kris, kauuwi pa lamang ng kapatid niyang si Senator Noynoy Aquino na magdamag na nagpasalamat sa mga dumagsa sa public viewing hanggang umaga at nagkataon na nagpapahinga ito habang siya din ay wala pa nang dumating ang mga Marcos.
Dakong alas-4 ng hapon, pinutol ang public viewing at sinimulan ang necrological services sa pangunguna ni Father Manoling Francisco.
Binigyan lamang ng tig-3 minuto ang ilang personalidad para magsalita sa necrological services.
Pagkatapos ng dala wang oras, muling binuksan sa public viewing ang simbahan at itinigil ito para sa misa bandang alas-8 ng gabi. (Doris Franche, Ludy Bermudo, Mer Layson)
- Latest
- Trending