MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ni Speaker Prospero Nograles na ang mga miyembro ng House of Representatives ang magpapasya kung ano ang gagawin nila sa Resolution 1109 na pinagtibay nila para sa pagbubuo ng Constituent Assembly na magsususog sa Konstitusyon.
Ginawa ni Nograles ang pahayag bilang tugon sa panawagan ni Makati Congressmen Teddy Locsin na ibasura ang naturang resolusyon bilang respeto kay dating Pangulong Corazon Aquino na masugid na tumututol sa pagsususog sa Konstitusyon noong nabubuhay pa ito.
Sinabi ni Nograles na ang mga kongresistang lumagda sa resolusyon ang magpapasya sa naturang usapin at hindi ang liderato.
Gayunman, ikinokonsidera nila ang panawagan ni Locsin.
Sinabi ni Nograles na isang multi-party caucus ang isasagawa nila para tingnan ang dapat gawin. (Butch Quejada)