Pamilya ni Cory sibil kay Arroyo
MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng pamilya ni dating Pangulong Corazon Aquino na magiging sibil sila kapag dumalaw sa burol nito si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
“Muli, naiisip ko ang itinuro sa amin ng aming mga magulang. Ang pagiging sibil. “Na kung siya po ay dadalo dito ay bibigyan natin ng paggalang,” wika ng anak ni Aquino na si Senador Benigno “Noynoy” Aquino.
Tiniyak ng senador na hindi nila paiiralin ang anumang personal na galit kung mayroon man.
Ipinaglaban umano ng kanilang pamilya ang demokrasya at sa ilalim ng ganitong sistema ay may kalayaan ang lahat na gawin anuman ang kanilang nais hangga’t hindi lumalabag sa batas.
Bagama’t iginagalang nila ang pagdalaw ng pangulong Arroyo. Kaplastikan na anya kung sabihin na ikinagagalak nila ang pagtungo nito sa burol.
Siniguro ng Malacañang na pupunta sa burol si Pangulong Arroyo pagdating nito sa Maynila mula sa Estados Unidos sa Miyerkules ng madaling araw.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez na, pagdating ni Pangulong Arroyo ay agad na bibisita ito sa burol ni Aquino sa Manila Cathedral upang magbigay ng huling respeto sa yumaong lider ng bansa. (Doris Franche at Rudy Andal)
- Latest
- Trending