3,500 kawani ng Caloocan nabigyan ng flu vaccine
MANILA, Philippines - Nabakunahan ang may 3,500 kawani ng Caloocan City Government sa kauna-unahan at malawakang influenza immunization program sa unang linggo ng ope rasyon nito, iniulat ni Mayor Enrico “Recom” Echiverri.
Ayon kay Echiverri, ang mataas na employee turnout at vaccination rate na 72% ng kabuuang 4,839 empleyado ay magreresulta sa higit na mataas na lebel ng protekstyon laban sa influenza para sa mga kawani ng pamahalaang lungsod.
Una rito, naglaan si Mayor Recom, sa pamamagitan ng City Ordinance 457, ng may P1.7 milyon mula sa taunang badyet ng lungsod para pambili ng mga flu vaccine.
Ayon naman kay City Health Officer Dr. Raquel So-Sayo, ang mga nagpabakunang empleyado ay protektado laban sa influenza sa loob ng isang taon at kung magkakasakit man ang mga ito ng parehong impeksyon ay hindi na ganoon kapanganib.
Aniya, karaniwang aabot mula P800 hanggang P1,200 ang gastos sa pagbabakuna kapag ginawa ito sa ibang mga ospital at klinika.
- Latest
- Trending